Hindi
ko ninais na malungkot
Hindi ko ninais na umiyak
Subalit sa bawat halakhak
At sa bawat paggasta
Ang lawak ng mga dagat
Ang taas ng mga bundok
Ay tila malalagim na mga sumpang
Nakakapit sa aking pagkatao
Katulad ng isang balaraw na nakabaon
sa kaibuturan ng aking dibdib
Hindi ko ninais na malungkot
Hindi ko ninais na umiyak
Subalit sa bawat paghagod
At sa bawat paghimas
Ng mga butil ng palay
O ng mga masasarap na ulam
Na nakahain sa hapag-kainan
Ay parang may bikig na bumabara
Sa aking lalamunan
Kailan ka nga ba namin huling nakita?
Kailan ka nga ba namin huling nakasama?
Ang pagod mong mga kamay,
Ang namamanhid mong mga binti
Kailan nga ba namin huling nahaplos?
Kailangan nga bang ikaw ay lumayo?
Kailan matitighaw ang uhaw naming mga puso
Sa pagkasabik na muli kang masilayan?
Saan nga ba matatagpuan ang tunay na
kaligayahan,
ang kapayapaan at ang marangal na buhay?
PANGUNGULILA ( Bersyon 2 )
ang sariling bersyon ni Dhaye
hango sa unang bersyon na sinulat ni Pinoy